Atty. Saladero at mga lider-aktibista sa Timog Katagalugan, nakalaya na

Original URL

NAKALAYA na kahapon, Pebrero 5, si Atty. Remigio Saladero Jr., chief legal counsel ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at kolumnista ng Pinoy Weekly, mula sa Calapan City Provincial Jail matapos ang tatlong buwan na pagkakakulong.

Kasama niyang nakalaya ang lima pang kasama niyang inaresto at ikinulong na sina Nestor San Jose, Crispin Zapanta, Rogelio Galit, Emmanuel Dionida at Arnaldo Seminiano, pawang mga lider ng makabayang mga organisasyon sa Timog Katagalugan.

Naganap ang mga pag-aresto sa pagitan ng Oktubre 23 hanggang Noyembre 6 noong nakaraang taon.

Samantala, nakalaya rin si Leonardo Arceta, lider-manggagawa sa Laguna, na dinakip noong lamang Lunes, Enero 2.

Matatandaang bahagi sina Atty. Saladero ng tinaguriang Southern Tagalog 72 (ST 72), mga lider ng mga organisasyon ng magsasaka at manggagawa sa Timog Katagalugan na simanpahan ng anila’y “gawa-gawang mga kaso” noong Oktubre ng nakaraang taon.

Kabilang sa mga kasong sinampa ang frustrated murder at multiple frustrated murder kaugnay umano ng kanilang pananambang sa kapulisan at pagpapasabog ng mga cell site sa Batangas at Mindoro.

Sa mga naunang pahayag ni Atty. Saladero, ilegal ang pagkaka-aresto sa kanila. Gayundin, depektibo ang mga kaso, maging ang paraan kung paano ito isinampa laban sa kanila.

Inilabas ng Mindoro Oriental Regional Trial Court ang release order ni Atty. Saladero at anim pang aktibista, tanghali ng Pebrero 5.

Sinang-ayunan ng nasabing korte ang pahayag ng abogado na hindi maaaring pasama-samahin ang iba’t iba pagkakasala, halimbawa ang frustrated murder at multiple frustrated murder, sa iisang kaso.

Kayan naman nagbigay-daan din ang korte sa sinampang motion to quash the information ng grupo nina Atty. Saldero.

Ayon sa Executive Vice President ng KMU na si Joselito Ustarez, titiyakin nilang “ganap na ang paglaya nina Atty. Saladero at maibabasura na ang gawa-gawang mga kaso sa kanila.” Bagama’t nakalaya na sina Atty. Saladero ay hindi pa rin binabasura ang mga kasong kriminal laban sa ST 72.

Ayon naman kay Joel Manglunsod ng Anakpawis Party-list, ang paglaya nina Atty. Saladero ay “tanda ng paunang tagumpay ng mga mamamayan laban sa terorismo ng Estado.” Gayundin, ani Maglunsod, “tagumpay ito ng mga nakikipaglaban para sa karapatang pantao.”

Kaugnay nito, maglulusad ang Anakpawis at iba pang makabayang mga organisasyon ng mas matinding kampanya laban sa Oplan Bantay Laya 2 na target umano ang mga legal na aktibista gaya nila.

Nananawagan din ang grupo sa paglansag sa Inter-agency Legal Action Group na siya umanong nasa likod ng “paggamit ng batas upang supilin ang nagtatanggol ng karapatan ng mamamayan at lumalaban sa mapanupil na gobyerno.”

Ayon kay Atty. Saladero, masaya siya ngayong nakalaya na sila at mahaharap na muli ang mga usapin ng mga managawa laluna sa kasalukuyang panahon na talamak ang tanggalan sa mga pagawaan.

Jeffrey Ocampo

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: