Opensa ang depensa ng tinutugis na aktibista

Original URL

Ilang-Ilang Quijano/ Pinoy Weekly

posted 24-Nov-2008

ILANG segundo pa lamang ng pagkakaakyat sa entablado at pagsasalita sa mikropono, tumulo na ang mga luha ni Dana Marcellana, anak ng pinaslang na tagapagtanggol ng karapatang pantao na si Eden Marcellana at ng kasalukuyang tinutugis ng gobyernong Arroyo na si Orly Marcellana.

“Pinatay na nga nila ang nanay ko, gusto pa nilang kunin ang tatay ko,” sabi ni Dana.

Kilalang lider sa Timog Katagalugan si Orly, na hawak ang susing mga posisyon sa iba’t ibang progresibong samahan. Tagapangulo siya ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)- Southern Tagalog, pangkalahatang kalihim ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan, at regional coordinator ng Anakpawis Party-list.

“Mabuting tao ang tatay ko, hindi po niya magagawa ang mga ibinibintang sa kanya,” dagdag pa ni Dana.

Kuwento naman ni Ada Zapanta, anak ni Crispin Zapanta, “ngayon ko lang nakita kung gaano ka-importante ang pakikipaglaban para sa mga manggagawa at maralitang lungsod.”

Hindi rin niya mapigilang mapaluha nang sabihing noong bata pa siya, naiinis siya sa kanyang amang aktibista na nagkukulang ang oras para sa kanilang pamilya. Pero ngayon, naiintindihan na umano niya—at nagagalit kung bakit ang isang “napakabuting tao” ay ipipiit na lamang ng basta-basta.

Si Crispin, tagapangulo ng Bayan Muna – Antipolo City, ay kabilang sa anim na lider-aktibista sa Timog Katagalugan na dinakip simula Oktubre at ikinulong sa Calapan Provincial Jail.

Dalawa lamang sina Orly at Crispin sa 72 na sinampahan ng umano’y “depektibo” at “gawa-gawang” kaso ng murder at multiple frustrated murder kaugnay ng pananambang ng mga rebeldeng New People’s Army sa Mindoro Oriental noong 2006.

 

Ito umano ang panibagong taktika ng panunupil ng gobyernong Arroyo sa mga kritiko nito.

Noong Nobyembre 22, inilunsad sa College of Education, University of the Philippines-Diliman ang Defend ST, isang task force para depensahan ang mga biktima ng pampulitikang persekusyon sa rehiyon.

‘Desperasyon’ ng gobyerno

Suportado ang mga aktibista ng Timog Katagalugan maging ni dating bise-presidente Teofisto Guingona, na nagdiin ng pananagutan ni Pangulong Arroyo sa patuloy na mga paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan.

“Umiiral pa rin ang Batas Militar, noon at ngayon. Ganoon din ang gawa, iba lang ang postura,” aniya. At gaya umano noong Batas Militar, “We must not only defend, we must also attack!

Tinutukoy ni Guingona ang patuloy na pagpapaigting ng oposisyon sa mga anti-mamamayang polisiya ng gobyernong Arroyo gaya ng Charter change at sa mga anomalyang kinasasangkutan gaya ng Fertilizer Fund Scam.

Ayon naman kay Pastor Berlin Guerrero ng United Churches of Christ in the Philippines, dating detenidong pulitikal, “gustong ulitin” ng gobyerno ang kanyang karanasan sa marami pa niyang mga kasamahan sa rehiyon.

Dinakip ng mga ahente ng Estado noong Mayo 2007 matapos magbigay ng misa sa Biňan, Laguna, tinortyur si Guerrero bago sampahan ng murder at inciting to sedition. Binasura ng korte ang kaso at pinalaya siya nitong Setyembre, matapos ang mahigit isang taong pagkakakulong.

“Iniisip siguro ng gobyerno na hihina ang mga organisasyon kapag napiit ang mga lider nito. Pero ang takot at pangamba ay papalitan lamang ng tapang. Ang isang hakbang ng paniniil at pagsupil ay tatapatan ng higit na paglaban ng mamamayan,” ani Guerrero, tagapagsalita ng Defend ST.

Sinabi naman ni Dr. Carol Araullo, tagapangulo ng Bayan, ang panibagong bugso ng panunupil ay hindi tanda ng kalakasan ng gobyernong Arroyo, kundi ng “kahinaan” at “desperasyon” nito.

“Sa tindi ng pampulitika at pang-ekonomiyang krisis dito sa Pilipinas at sa buong daigdig, ginagamit nila ang dahas para maipagpatuloy ang maling mga patakaran ng gobyerno at imperyalistang US,” aniya.

Binanggit niyang lalong lalala ang kahirapan at kawalang trabaho dahil sa pandaigdigang krisis pampinansiya.

“Pero malapad ang hanay ng mga bagong dugo. Tunay na mahusay ang kondisyon para isulong ang pakikibaka ng mga mamamayan para sa kagyat na mga reporma na magbibigay ng kagyat na alwan sa buhay at para sa mas batayan pang mga reporma,” aniya.

Paliwanag at kawalang-hustisya

Sa isang bidyo ng Southern Tagalog Exposure na pinamagatang “Magtanggol, Makibaka!”, nagsalita sina Orly at iba pang mga tinutugis na aktibista sa rehiyon na sina Arman Albarillo, Bayani Cambronero, at Dorris Cuario.

Ipinaliwanag ni Cuario, pangakalahatang kalihim ng Karapatan – Southern Tagalog, na katulad ng sa mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang na sinimulan noong 2001, tila ginagawa ng gobyernong Arroyo na “laboratoryo” ang Timog Katagalugan para sa mga paglabag sa karapatang pantao.

“Iniisip nila na kapag dumapa at mawawala ang mga organisasyon sa Southern Tagalog, sa sumunod na mga rehiyon ay madali na,” aniya. Subalit umano’y hindi naman nagtagumpay ang taktikang ito.

Paliwanag naman ni Cambronero, regional coordinator ng Bayan Muna Party-list, ginigipit ang mga mamamayan dito dahil maigiting ang kanilang pagtutol ng sa mga “proyektong pangkaunlaran” sa Calabarzon.

“Gusto (ng gobyerno) na pumayag na lamang ang mga manggagawa sa mababang pasahod at lumayas na lamang ang mga magsasaka sa kanilang mga bukid para makapagtayo ng mga pabrika at golf course ang mga dayuhan,” aniya.

Inireklamo naman nina Arman at Orly ang kawalang-hustisya sa mga kaso ng pagpatay ng kanilang mga kaanak.

Dalawang beses ibinasura ng Department of Justice ang kaso laban kay Hen. Jovito Palparan na umano’y nag-utos sa pagpatay sa asawang si Eden Marcellana at lider-magsasakang si Eddie Gumanoy noong 2003, ayon kay Orly.

Kamakailan lamang, inihayag ng United Nations Human Rights Committee na nilabag ng gobyernong Arroyo ang right to life at iba pang mga karapatang pantao nina Eden at Eddie.

Ayon naman kay Arman, na pinatay ang mga magulang na sina Expedito at Manuela Albarillo sa Mindoro Oriental noong 2002, “Wala pa akong nakikitang hustisya, di lamang para sa aking pamilya, kundi sa mahigit 900 na pinatay (sa ilalim ng gobyernong Arroyo).”

Sabi pa niya sa isang bukas na liham, “Nais kong bumalik sa sariling bayan nang malay at ligtas ang buhay. Tila makakabalik nga ako, ang kaso hindi Malaya, nakaposas sa pagbalik, titira sa isang makitid na lugar, sa kulungan kung magtatagumpay ang mga aaresto sa akin.”

Pagkakaisa

Nakaamba ang isang imbestigasyon ng Kongreso sa kaso ng 72 aktibista sa Timog Katagalugan, ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Naghain si Mariano ng tatlong resolusyon sa Kongreso: ang House Resolution 866 hinggil sa pag-aresto sa labor lawyer na si Atty. Remigio Saladero Jr., HR 867 hinggil sa pagsampa ng kasong arson at conspiracy to commit rebellion sa 27 lider-aktibista sa rehiyon, at HR 877 hinggil sa crackdown at kriminalisasyon sa 72.

Nagbasa ng isang Declaration of Unity ang mga lider ng progresibong mga organisasyon at kaanak ng mga tinutugis sa aktibista para ihayag ang suporta sa bagong tatag na task force.

“Nagaganap ang mga atakeng ito sa kaparapatang pantao at kalayaang sibil sa kabila ng mga garantiya sa mga pambansa at internasyunal na batas sa karapatang pantao…Nananawagan kami sa lahat ng mga Pilipinong nagmamahal sa kalayaan na labanan ang panunupil na ito sa mga aktibista gaya ng buong lakas nating pagtutol sa ekstrahudisyal na mga pamamaslang,” ani Guerrero.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: