Kumusta na silang ibinilanggo ng Estado?

Original URL

Jeffrey Ocampo/ Pinoy Weekly

posted 23-Nov-2008

ANIM silang nakapiit ngayon sa Provincial Jail ng Mindoro Oriental sa lunsod ng Calapan. Binibintang sa kanila ang mga kasong kriminal na anila’y “halatang gawa-gawa” lamang. Bago ito’y isa-isa silang dinakip ng di-unipormadong mga kalalakihan, dinala sa mga kampo ng militar, sinalang sa tuloy-tuloy na interogasyon at saka itinawid ng dagat papunta sa isla ng Mindoro. Naiwan nila ang kanilang mga kaanak sa Rizal, Cavite at Laguna na puno ng pag-aalala sa maaring gawin ng mga nagpadakip sa kanila.
Umaga ng Nobyembre 18, nagkita-kita sa pantalan ng Batangas ang mga kasapi ng iba’t ibang organisasyon at mga kaanak ng mga bilanggo upang dumalaw sa piitan. Kabilang dito ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), Workers Assistance Center, at Cavite Ecumenical Movement for Justice and Peace. May dalawa ring representante ng Canadian Trade Union Mission na inaalam ang hinggil sa “pampulitikang panunupil” sa bansa.

Mula sa Batangas, hindi aabot ng isang oras ang pagtawid sa dagat papuntang Mindoro gamit ang speedboat. Ilang minuto naman ang biyahe patungong Provincial Jail mula sa pantalan.

Sa daan, naglipana ang mga trak ng militar. Armado. May kakayahang maghasik ng takot.

Pagdating sa kulungan, pinaiwan ang aming mga telepono at kamera. Hinalughog ang aming mga bag at dala-dalahan at isa-isang kinapkapan.

Malit lamang ang kulungan. May huntahan sa bawat sulok. Ang ibang preso’y abala sa paggawa ng mga parol mula sa cellophane. May nagbebenta ng mga gawang-kamay mula sa kahoy, kawayan at plastik na bote.

Isa-isa naming narinig na tinatawag ang mga pangalan ng aming dadalawin. Isa-isa na rin silang nagsilabasan.

Mula Oktubre 23 hanggang Nobyembre 13, pinagdadakip ang limang lider ng makabayang mga organisasyon sa Timog Katagalugan at ang chief legal counsel ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Atty. Remigio Saladero. Kasama umano sila ng New People’s Army na nagtangkang manambang ng mga kapulisan sa Puerto Galera, Mindoro Oriental noong Marso 6, 2006. Kasalukuyang dinidinig ang kasong frustrated murder at multiple frustrated murder sa Branch 40 ng Calapan Regional Trial Court sa sala ng Atty. Tomas Leynes.

Liban sa kanila, mayroon pang 66 na kasalukuyang tinutugis ng militar at kapulisan dahil sa natural kaso. Tinaguriang Southern Tagalog 72, ang panunugis at pagdakip sa kanila ay bahagi umano sila ng “panibagong bugso ng pampulitikang panunupil” sa rehiyon.

Huntahan, kamustahan

Sa isang mahabang lamesa kami nagharap-harap.

Binilang namin sila – may kulang na isa. Maya-maya ay dumating na ang nahuli sa kanila. Si Rogelio Galit. Dahil sa sakit na diabetes, hirap gumalaw si Galit. Agad siyang yinapos ng kanyang nakatatandang kapatid na si Erlinda, gaya ng pagyapos nito sa kanya noong siya’y sapilitang dinakip sa kanyang tahanan sa Kaong, Silang sa probinsya ng Cavite. Payat at halatang hindi nakakapagpahinga si Galit. Bago ang pagkakakulong, nakaratay na siya dahil sa nasabing karamdaman.

Dahil kailangang ipagpatuloy ang paggamot kay Galit kahit nasa kulungan, P1,200 kada buwan ang kailangan ng kanyang pamilya upang makabili ng insulin. Hirap din sila sa pagdalaw dahil mahal ng pamasahe mula Cavite.

Liban kay Galit, may kanya-kanya ring karamdaman at suliranin ang ibang nakakulong na sina Atty. Saladero, Crispin Zapanta, Nestor San Jose, Arnaldo Seminiano at Emmanuel Dionida.

Taas-baba ang presyon ng dugo ni Zapanta, na dinakip noong Oktubre 24 sa Rizal. Kwento niya, tumaas ito ng 190/120 noong siya ay dinakip. Tumaas din daw ito noong siya ay dinala sa Camp Vicente Lim. May problema din siya sa gall bladder.

Si Dionida, ang pinakahuling dinakip sa kanila, ay may polio mula pa sa pagkabata. Katulad ni Galit, sapilitan din umano siyang dinakip. Walang umanong mandamyento-de-arestong binigay ang mga umarestong kalalakihan sa kanya.

Dumanas naman si Atty. Saldero ng dalawang stroke noong 2006. May appendicitis din ang abogado.

Samantala, lubos ang kalungkutang pinagdadaanan ni San Jose. Ilang araw bago siya dinakip ay sumakabilang-buhay ang kanyang asawa.

Sa kabuuan, hindi maayos ang kalayan ng mga nakabilanggo lalu pa’t may mga karamdaman at suliranin silang pinapalubha ng diumano’y “kawalang katarungan”. Bakas sa kanilang mga mukha ang pinaghalong lungkot at pag-aalala di lamang sa kanilang kalagayan, kundi gayundin ng kanilang mga mahal sa buhay at mga kasama sa organisasyon.

‘Kapalit ng Tagaytay 5’

Pawang mga lider-aktibista ang lima sa mga dinakip. Bago ang kanilang pagkakakulong, aktibo sila sa mga kampanya ng kani-kanilang organisasyon. Pinangunahan nila ang iba’t ibang laban para sa mga karapatan ng kapwa nilang manggagawa at magsasaka.

Si Galit, 51, ay isang “fulltime” na organisador ng mga magsasaka. Kalakhan ng dekada ‘80 ay inilagi niya sa Saudi Arabia bilang overseas Filipino worker. Pagpasok ng dekada ’90, “balik-bukid” si Galit. Nagsimula din siyang maging aktibo sa kanyang organisasyon sa Silang. Isa siya sa mga nanguna sa paggigiit sa karapatan sa lupa sa kanilang lugar sa Cavite na ipinangako ng dating pangulong Corazon Aquino sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Law. Kasalukuyan siyang tagapagsalita ng Kamagsasaka-Ka o Katipunan ng mga Magbubukid sa Kabite.

Si San Jose naman ay organisador ng Anakpawis sa Rizal. Lumahok umano siya sa mga kampanya laban sa Oil Deregulation Law at Calibrated Pre-emptive Response. Aktibo rin siya sa kampanya para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pultikal gaya ni Randall Echanis ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Samantala, ayon sa malalapit na kasamahan ni Atty. Saladero sa KMU, “kaunti lamang ang di nakakakilala sa kanya sa dinami-dami ng mga lumalapit na manggagawa para humingi ng tulong.” Kilalang labor lawyer si Saladero. Bago ang kanyang pagkakabilanggo, may hawak siyang 700 kaso ng mga manggagawa. Liban dito, malaki ang naitutulong ng kanyang lingguhang kolum sa Pinoy Weekly sa paglilinaw ng ligal na mga usapin ng manggagawa.

Sila ang “kapalit ng Tagaytay 5,” patutsada umano kay Dionida ng isang pulis sa Camp Vicente Lim. Tulad nila, mga aktibista din at kilalang tagapagtanggol ng karapatan ng mga manggagawa at magsasaka ang mga kabilang sa Tagaytay 5. Ikinulong sila sa loob ng mahigit dalawang taon ngunit napalaya rin dahil hindi napatunayan ang mga kaso laban sa kanila.

Buhay-abogado pa rin

Habang nagsasalaysay ang limang lider-aktibista, tahimik namang binabasa ni Atty. Saladero ang iba’t ibang mga papeles, dokumento, diaryo at sulat na pinadala sa kanya. Nakakunot ang noo at binubusisi ang bawat nakasaad sa mga papel. Paminsan-minsan nama’y napapangiti dahil sa laman ng mga personal na sulat para sa kanya. Katabi niya ang kanyang asawa na si Maricel, na tumitindig bilang matibay na indibidwal sa gitna ng pinadadaanan ng kabiyak.

Ni sa hinagap, aniya, ay hindi niya inakalang siya ay mapipiit. Mahirap ang kalagayan sa loob ng bilangguan– para sa abogado at 300 pang bilanggo sa sa Provincial Jail ng Mindoro Oriental.

Sa isang selda, nagsisiksikan ang humigit-kumulang 60 na bilanggo. Dahil sa kakapusan sa espasyo, dalawang bilanggo ang gumagamit sa iisang kama na ilang pulgada lamang ang lapad. Mainit sa loob at may surot ang mga katre, pabirong banggit ng abogado.

Liban dito, kakarampot na pagkain ang pinagsasaluhan ng mga bilanggo sa loob ng isang araw. May badyet na P23 ang bawat bilanggo para sa pagkain kada araw. Ibig sabihin, aabot lamang ito sa P7.50 para sa isang kainan.

Kaya naman “paulit-ulit” ang naihahaing pagkain para sa mga bilanggo. Para sa agahan, tuyong tamban (na isa sa pinakamurang isda sa pamilihan) at kalahating tasa ng kanin. Sa tanghalian, isa hanggang dalawang piraso ng tamban na may sabaw. Maiiba lamang ito sa hapunan na kadalasa’y gulay ang ulam sa kanin.

Sa kabila ng mga hirap na ito, tuloy ang buhay-abogado ni Atty. Saladero. Kada araw, may pumipila sa kanyang bilanggo upang kumonsulta hinggil sa kanilang mga kaso at sa iba pang mga ligal na usapin.

Depektibong kaso

Buo ang loob ni Atty. Saladero na mananalo sila sa kaso at mapapatunayang gawa-gawa lamang ang mga kasong kriminal na sinampa laban sa kanila.

“Depektibo ang pagsasampa ng kaso,” ayon sa abogado. Aniya, walang isinagawang preliminary investigation (PI) bago sila sinampahan ng kaso at dinakip paisa-isa. Paliwanag ng abogado, pagkatapos magsagawa ng PI, kailangang padalhan ang mga pinagbibintangan ng sipi ng demanda. Kailangan umanong silang bigyan ng 10 araw para sagutin ang demanda. Kailangan ding araling mabuti ng prosecutor ang demanda at ang sagot ng mga akusado.

Sa kaso ng anim na dinakip, hindi ito naganap.

Biglaan ding nabuksan ang kaso.

Pagkatapos maganap ng krimen noong Marso 2006, lumutang ang isang Vincent Silva at nagsabing siya ay isang deep penetration agent na kasama ng mga “rebelde” na nagsagawa ng krimen. Sa una niyang sinumpang salaysay, 15 umano ang nagsagawa ng pagsalakay. Muling lumutang si Silva nitong Setyembre, 2008. Sa pagkakataong ito, sinabi niyang 72 ang kanilang kabuuang bilang, taliwas sa nauna niyang pahayag.

Muling nabuksan ang kaso gamit ang amended information mula sa panibagong salaysalay ni Silva. Umusad ito, kahit walang motion to re-open para sa kasong natulog nang mahigit dalawang taon.

Bagama’t “napangalanan” ni Silva ang mga “nagsagawa ng pagsalakay,” mali ang mga address ng mga ito sa mga mandamyento-de-aresto. Si Atty. Saladero at San Jose na pawang taga-Rizal ay naging taga-Mindoro Oriental; si Galit na taga-Silang ay naging taga-Bacoor, Cavite; si Dionida na taga-Laguna ay naging taga-Kawit, Cavite.

Malinaw umano na gawa-gawa lamang ang mga kasong ibinibintang sa kanila. Ayon kay Atty. Saladero, “Bago itong taktika ng panunupil kung saan sinasalaula ang batas para sa pakinabang ng mga nasa kapangyarihan.” Ginagamit umano ngayon ng pamahalaan ang batas bilang “armas ng pang-aapi at hindi ng katarungan.”

Nakatakdang dinggin ang motion to quash the warrant of arrest na sinampa ng mga akusado sa Disyembre 11. Dahil depektibo at hindi dumaan sa karampatang proseso ang pagsasampa ng kaso, nararapat lamang umano na bawiin ang mandamyento-de-aresto at pawalang bisa ang kaso. Nang sa gayon ay mapalaya sila at makapamuhay nang malaya ang iba pang kinasuhan, ayon kay Atty. Saladero.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: