Sa selda ng inuusig na tagapagtanggol

Original URL

Beth Pagtalunan/Pinoy Weekly

posted 07-Nov-2008

ALA-UNA ng madaling-araw nang marating namin ang pantalan ng Calapan, Oriental Mindoro. Ilang kilometro ang layo bago makarating sa Calapan Provincial Jail kung saan dinala si Atty. Remigio Saladero Jr., abogadong maka-manggagawa at maka-karapatang pantao at kolumnista ng Pinoy Weekly.

Alas-otso rin ng umagang iyon, pinuntahan namin ng kanyang asawa na si Maricel ang kulungang pinagdalhan sa kanya. Escort ng isang jailguard, lumapit sa kinauupuan namin ang pawisang si Atty. Saladero. Kinamayan at kinumusta namin ang kanyang kalagayan sa loob ng selda.

Bakas sa kanyang mga mata ang lungkot at pagod. Parang hindi siya nakakatulog, ang sagot niya sa aming pagtatanong. Tulad ng inaasahan, nahihiga siya sa malamig na semento, walang anumang kagamitan sa pagtulog. May nagmagandang-loob lamang na nagbigay ng banig para isapin sa kanyang hinihigaan. Mainit ang kuwarto dahil kulang sa bentilasyon at marahil sa dami na rin ng detainee na kasama nyang umookupa sa Selda 1.

P21 ang badyet sa pagkain para sa isang preso bawat araw. Mula sa gripo ang kanilang inumin. Pinapa-iskuwat sila pag umaga pero di siya makasabay dahil mahina na ang katawan bukod pa sa sakit na diabetes at high blood kaya medyo hirap at di makasunod.

Sa narinig na pahayag ng asawang nakakulong, nakita namin ang pamumuo ng luha sa mata ni Maricel. Nag-alala siya sa kasalukuyang kalagayan ng asawa na nagmamantini pa ng gamot para sa karamdaman nito.

Sa manggagawang katulad ko, iilan lamang marahil ang di nakakakilala kay Atty. Saladero. “Sa dami ng taong lumapit at natulungan ng asawa ko na walang pambayad upang kumuha ng abogado wala siyang hiningi o hinintay na kapalit,” sabi ng asawa niyang si Maricel.

Kung ang isip at talino ay ginamit sa pansariling interes, marahil isa na si Atty. Saladero sa mayamang abogado. Pero pinili niyang pumanig at tulungan ang mga manggagawa.

Nakakalungkot makita na ang isang magaling, respetado, tagapagtanggol ng karapatang-pantao at maka-manggagawang abogado ay ikulong at akusahan ng gobyernong ito ng gawa-gawang kaso.

Sa sandaling nag-uusap si Atty. Saladero at ang kanyang asawa, nagkaroon kami ng pagkakataon na makausap ang iba pang detainee na nasa aming likuran. Ikinuwento nila sa amin ang pagdating doon ni Atty. Saladero. Nakaposas ito habang nakapalibot at todo bantay ng anim na PNP na armado ng armalite rifle. Sa unang tingin, di sila makapaniwala na kayang gawin ng taong ito ang multiple murder at multiple frustrated murder na ibinibintang at ikinaso sa abugado. Sa ilang araw na nakasama nila ito sa kulungan, nakilala nila bilang tahimik,walang kibo, magalang makitungo at makipag-usap ang abogado.

Marami nga raw at halos tuwing umaga nakapila sila para ikonsulta at humingi ng legal advice sa kanya. Nagbiro pa nga kami na bawat konsulta magpabayad siya ng P10 para makadagdag sa pambili niya ng pagkain kasi nga di lahat ng rasyon ay puwede niyang kainin.

Dahil diabetic, madalas na hindi siya gaano makakain. Pero simpleng ngiti ang isinagot niya sa amin at sinabing di siya naghihintay ng anumang kapalit ng tulong na nagagawa para sa mga preso at masaya na sa simpleng paraan ay nakakatulong siya.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: