Pag-aresto kay Atty. Saladero kinondena ng 5 grupo ng abogado

Original URL

Ilang-Ilang Quijano/Pinoy Weekly

KINONDENA ng limang grupo ng mga abogado ang umano’y pagdukot at ilegal na pag-aresto noong Oktubre 23 kay Atty. Remigio Saladero, beteranong labor lawyer at kolumnista ng Pinoy Weekly.

Sa isang pahayag, sinabi ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), International Association of People’s Lawyers (IAPL), Pro-Labor Legal Assistance Center (PLACE), Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo (SENTRA) at Public Interest Legal Center (PILC) na ang pagsasampa ng kasong multiple murder at multiple frustrated murder laban kay Saladero ay “bahagi ng tangka ng gobyerno na supilin ang mga nagtataguyod sa karapatang pantao at kritikal sa mga polisiya ni Pangulong Arroyo.”

Si Saladero ay Chief Legal Counsel ng Kilusang Mayo Uno, militanteng sentro ng paggawa. Kabilang din si Saladero sa mga kumuwestiyon sa Korte Suprema ng konstitusyunalidad ng Calibrated Pre-Emptive Response ni Arroyo noong 2006.

“Ang atake kay Atty. Saladero ay paglabag sa kanyang karapatan sa due process dahil hindi siya sinabihan hinggil sa reklamo at hindi niya naipagtanggol ang kanyang sarili bago inilabas ang warrant. Isa rin itong atake sa legal profession. Hinaharas si Atty. Saladero dahil sa paggampan ng kanyang propesyon. Dagok ito sa right to counsel at access to justice ng maraming manggagawa at biktima ng paglabag sa karapatang pantao na ang mga kaso ay hinahawakan ni Atty. Saladero,” ayon pa sa mga grupo ng abogado.

Ayon sa mga grupo ng abogado, imposible ang mga paratang kay Saladero na abala sa paghahawak ng mahigit 700 kaso.

Kamakailan, kinasuhan din si Saladero ng arson, destruction of property, at conspiracy to commit rebellion, kasama ng 26 pang lider-aktibista ng Timog Katagalugan, para sa panununog diumano ng cell site ng Globe Telecom noong Agosto sa Lemery, Batangas.

Pero ayon sa mga grupo ng abogado, “gawa-gawa” ang kasong ito.

“Hindi miyembro si Atty. Saladero ng New People’s Army at hindi siya pugante. Lantad siyang nag-aabogado sa mga pagdinig sa korte,” anila.

Samantala, nangangamba si Atty. Noel Neri, miyembro ng NUPL at kasamahan ni Saladero sa PLACE, na maaapektuhan ang mga kasong pro-bono para sa mahihirap na hinahawakan ng 50-anyos na abogado.

Nagbabala naman ang grupo ng abogado na magsasampa ng kasong qualified theft sa mga miyembro ng raiding team na kinumpiska ang laptop, cellphone, at desktop computer ni Saladero nang ihain umano ang warrant.

Magsasampa din umano sila ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga opisyal ng gobyerno na nasa likod ng kaso, at ng kasong perjury laban sa mga testigo na diumano’y gumawa ng maling mga pahayag.

Nauna nangpinagalitan ng Korte Suprema ang Department of Justice dahil sa pagiging kasangkapan diumano nito sa panghaharas sa mga kritiko ng gobyernong Arroyo.

Nanawagan ang mga grupo ng abogado sa Integrated Bar of the Philippines na ipanawagan ang kagyat na pagpapalaya kay Saladero at ikondena ang atake sa propesyong ligal.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: