Ikulong ang pinakakriminal

Original URL

Pinoy Weekly

“IKULONG ang kriminal, di ang aktibista!” ayon sa plakard na bitbit sa mga demonstrasyon sa Kamaynilaan ng mga grupong progresibo mula sa Timog Katagalugan nitong nakaraang mga linggo. Isa-isa kasing pinagdadakip at itinatapon sa piitan ang kanilang mga kasamahan sa panahong hinihintay at sinasaksihan ng taumbayan ang paliwanag sa Senado ni dating Department of Agriculture undersecretary Jocelyn “Joc-Joc” Bolante hinggil sa P728-Milyong anomalya sa pataba.

Nagsimula noong Oktubre 23 kay Atty. Remigio Saladero, chief legal counsel ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at kolumnista ng Pinoy Weekly, ang pag-aresto sa mga aktibista sa rehiyon. Isinunod sina Nestor San Jose ng Anakpawis Party-list at Crispin Zapanta ng Bayan Muna Party-list noong Okt. 24, Rogelio Galit ng Katipunan ng mga Magsasaka sa Kabite noong Nobyembre 5, Arnaldo Seminiano ng Ilaw at Buklod ng Manggagawa-KMU noong Nob. 6, at Emmanuel Dionida ng Labor Education Advocacy Development Response Services noong Nob 13.

Anim ngayon ang nakakulong sa Calapan City Jail sa kasong multiple murder at multiple frustrated murder kaugnay umano ng pananambang ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Puerto Galera, Mindoro Oriental noong 2006. Isinampa ito laban sa 72 inbidibwal, mahigit 30 ay mga lider-aktibista sa Timog Katagalugan.

Hindi kapani-paniwala ang mga bintang na ito, ayon sa progresibong mga grupo. Paano paniniwalaang NPA si Saladero, isang 50-anyos na abogadong may hawak na 700 kaso ng manggagawa, dumadalo sa mga pagdinig sa korte, at may lingguhang kolum sa pahayagang ito? Paano paniniwalaang NPA si Galit na nakaratay sa sakit na diabetes noong inaresto, at si Dionida na hindi makalakad nang maayos dahil sa polio? Gayundin ang iba pang kinasuhan gaya nina Orly Marcellana ng Bayan, Helen Asdolo ng Gabriela, at Pedro Santos Jr. ng Anakbayan, na lagi’t laging nakikita sa mga aktibidad at kilos-protesta, kinapapanayam pa minsan ng midya?

Dahil ayon sa saksi na iniharap ng Philippine National Police noon ay 15 lamang ang bilang ng mga NPA na umatake sa nasabing ambus, at inamin mismo ng prosekyutor na walang preliminary investigation na isinagawa bago inilabas ang mga mandamyento-de-aresto, mas kapani-paniwalang ang kaso laban sa 72 ay panibagong hagupit ng pampulitikang panunupil kaysa isinampa para sa tunay na interes ng hustisya.

Samantala, sinasabi ng mga senador na hindi kapani-paniwala ang testimonya ni Bolante. Paano paniniwalaang hindi niya alam kung sino ang nagsuplay ng overpriced na pataba na di nakarating sa o di nagamit ng mga magsasaka dahil para sa mga halamang ornamental? Paano paniniwalaang nasa ilalim ang pondo ng isang regular na programa para sa iba’t ibang gamit pangsaka, gayong ayon sa Commission on Audit (COA), pinambili ng pataba ang halos lahat kahit P28-M lamang ang orihinal na inilaan ng DA para rito? Paano paniniwalaang ni hindi niya alam na kaalyado ni Pangulong Arroyo ang mga kongresistang nabigyan? Paano paniniwalaang walang kamay si Arroyo sa pag-awtorisa ng paglabas ng napakalaking pondo, isang-kapat (¼) ng badyet ng DA noon, sa panahon ng halalang pampangulo?

Dahil apat na taong tinakasan ni Bolante ang subpoena ng Senado na hindi normal na ginagawa ng isang taong walang alam at walang sala, at muli, binanggit ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo na maaaring pigilan ang iba pang mga opisyal ng DA na magsalita sa pamamagitan ng executive privilege, mas kapani-paniwalang may pandarambong na naganap at sangkot ang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Isa lamang ang pinaka-responsable sa pagdurusa sa masikip na selda ng anim na lider-aktibista at sa ligalig sa buhay ng marami pang iba na walang krimen maliban sa ipagtanggol ang interes ng mga api. Isa lamang ang pinaka-responsable sa pananahimik at pagsisinungaling sa publiko ni Bolante na ang krimen ay ang ipagtanggol ang interes ng mga nang-aapi.

Si Arroyo, na numero unong tagapaglabag sa mga karapatang pantao. Si Arroyo, na numero unong mandaraya at kurakot. Siya ang pinakakriminal sa lahat at wala pa lamang sa likod ng mga rehas dahil nananatili pa sa poder. (IDQ)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: