Free Atty. Saladero Coalition inilunsad

Original URL

Jeffrey Ocampo/Pinoy Weekly

INILUNSAD ngayong araw, Nobyembre 13, ang Free Atty. Saladero Coalition na binubuo ng mga unyon, abogado, makabayang mga organisasyon, at iba pang tagasuporta ni Atty. Remigio Saldero Jr., kilalang labor lawyer at kolumnista ng Pinoy Weekly.

Layon ng grupo na pangunahan ang kampanya para sa kagyat na pagpapalaya kay Saladero na kasalukuyang nakadetine sa Calapan City Jail sa Mindoro Oriental.

Umano’y “arbitraryong dinakip” si Saladero noong Oktubre 23 sa kanyang tahanan sa Antipolo, Rizal. Humaharap siya sa kasong multiple murder at multiple frustrated murder kaugnay diumano ng ambush ng mga rebeldeng New People’s Army sa Puerto Galera, Mindoro Oriental noong 2006.

Humaharap din ang abogado sa kasong arson, destruction of property at conspiracy to commit rebellion kaugnay ng pagpapasabog ng mga NPA sa isang cell site sa Lemery, Batangas nitong Agosto.

Nakasumite na ang mga abogado ng Pro-Labor Legal Assistance Center (PLACE) at Public Interest Law Center sa Calapan Regional Trial Court Branch 40 ng petisyon para bawiin ang mandamyento-de-aresto at idismis ang kaso.

Ayon kay Atty. Noel Neri, kasamahan ni Saladero sa PLACE, malinaw na hindi dumaan sa proseso ang pagsasampa ng umano’y “gawa-gawang” kaso.

Sa pagdinig na naganap noong Oktubre 27, napag-alamang walang naganap na preliminary investigation bago ang pagdakip sa abogado.

Na-archive o “natulog” din umano ang kaso pagkatapos ang pagsasampa nito noong 2006. Nitong 2008, isang “deep penetrating agent” (DPA) ng militar na nagngangalang Vincent Silva ang nagturo kay Saladero at iba pang lider-aktibista sa isang “amended information” na isinumite sa korte.

Muling nabuksan ang kaso kahit walang motion to re-open, ayon pa kay Neri.

Nakatakdang bumisita ang mga tagasuporta ni Saladero sa piitan upang personal na alamin ang kalagayan ng abogado at kasama niyang mga akusado.

Sunod-sunod ding mga aktibidad ang isasagawa upang kagyat na mapalaya ang umano’y mga “biktima ng bagong yugto ng panunupil sa mga manggagawa at sa kilusang paggawa.”

Ayon kay Daisy Arago ng Center for Trade Union Human Rights (CTUHR), ang pagkaso kay Saladero at iba pang lider-aktibista ay “bahagi ng malupit at nagpapatuloy na programa kontra-insurhensiya ng gobyerno.”

Binalikan ni Arago ang parehong mga kaso ng panunupil sa kilusang paggawa, gaya ng pagpaslang noong batas militar kay Felixberto Olalia, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Si Saldero ay chief legal counsel ng KMU at humahawak ng 700 kaso ng mga manggagawa.

Ilan sa mga organisasyon at indibidwal na pumaloob sa Free Atty. Saladero Coalition ay ang CTUHR, KMU, PLACE, Ecumenical Institute for Labor Education and Research, Anakpawis Rep. Rafael Mariano, at Bishop Gabriel Garo ng United Church of Christ in the Philippines.

Nagpaabot din ng suporta ang Lex Leonum Fraternitas, sinalihan na fraternity ni Saladero habang nasa law school ng San Beda College.

Ayon kay Rina Cortiguera ng National Federation of Labor Unions o NAFLU, si Saladero ay “mahusay na estudyante ng Political Science sa Mindanao State University at ng abogasiya sa San Beda.”

Nagturo din ang abogado sa Dominican College, Lyceum of the Philippines at iba pang kolehiyo.

Ayon sa nabuong koalisyon, “ang maari lamang ipiit ay ang pisikal na katawan ngunit hindi ang kawastuan ng ipinaglalaban.”

Naniniwala itong makakamit ang hustisya para kay Saladero at iba pang umano’y biktima ng panunupil sa kolektibong pagkilos.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: