Bagong taktika ng ‘panunupil’

Original URL

Jeffrey Ocampo/ Pinoy Weekly

TILA nagbabago na ng taktika ang gobyernong Arroyo sa pagsupil nito sa binabansagan nitong kaaway, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Samu’t saring kasong kriminal ang ngayo’y nakasampa laban sa mga lider-aktibista sa Timog Katagalugan. Sa kabuuan, 72 na indibiwal ang humaharap sa kasong multiple murder at multiple frutrated murder dahil umano sa ambush na naganap sa Mindoro Oriental. Higit sa 30 mula sa bilang na ito ay prominenteng mga lider ng makabayang mga organisasyon kagaya ng Bayan at mga samahan ng manggagawa at magsasaka sa Timog Katagalugan.

Liban dito, kinasuhan ng isang telecommunications company ng arson at iba pang mga kaso ang 27 na indibidwal (kabilang ang 17 na kasama na sa 72) dahil sa pagsabog ng cell site nito sa Batangas.

Ambush?

Ibinibintang sa 72 na mga taga-Timog Katagalugan ang ambush na di umano’y naganap sa Puerto Gallera, Mindoro Oriental noong Marso 3, 2006. Ang ipinagtataka ng sangkot na mga organisasyon ay kung bakit 72 ang sinampahan ng kaso samantalang sa salaysay ng saksi na iniharap ng Philippine National Police ay 15 lamang ang umatake.

Dahil sa sinasabing ambush, hinaharap ngayon ng mga respondent ang mga kasong frustrated murder at multiple frustrated murder. Sa mga arrest warrant ng mga akusado, malinaw na nakasulat na hindi maaaring piyansahan ang kanilang mga kaso. Kasalukuyang dinidinig sa Regional Trial Court ng lunsod ng Calapan ang mga kasong ito sa sala ni Atty. Tomas Leynes.

Nagsampa naman ng kasong arson, destruction of property at conspiracy to commit rebellion ang Globe Telecom sa pamamagitan ng kanilang security officer na si Marlo Timbreza kasama ang PNP. Kaugnay diumano ito sa pagpapasabog ng isang cell site ng nasabing telecommunications company sa Lemery, Batangas noong August 2, ngayong taon. Umabot ng 27 ang sinampahan ng kaso.

Sunud-sunod ang naganap na pag-aresto sa mga sinampahan ng mga kaso. Una na dito noong Oktubre 23 si Atty. Remigio Saldero, chief legal counsel ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at kolumnista ng Pinoy Weekly na parehong dinadawit sa mga kaso sa Mindoro at Batangas.

Inaresto naman sa sumunod na araw sina Nestor San Jose ng Anakpawis at Crispin Zapanta ng Bayan Muna, mga residente ng Rizal. Inaresto rin noong Nobyembre 5 si Rogelio Galit ng Katipunan ng mga Magsasaka sa Kabite (Kamagsasa-Ka) na noo’y nakaratay na dahil sa sakit na diabetes. Pinakahuling inaresto si Arnaldo Seminiano ng Ilaw at Buklod ng Manggagawa-KMU noong Nobyembre 6.

Pero ito ang maanomalya sa mga pag-aresto: Inamin mismo ng provincial prosecutor ng Calapan RTC na si Josephine Caranzo-Olivar na walang preliminary investigation na naganap bago inilabas ang mga mandamyento de aresto.

Ibig sabihin, ang mga pag-aresto ay hindi produkto ng masusing imbestigasyon. Ano, kung gayon, ang motibo ng mga ito?

Dati nang ginagawa

Marami nang naganap na katulad na mga kaso ang nangyayari sa Timog Katagalugan, ayon kay Carol Araullo, pambansang tagapangulo ng Bayan.

Noong 2007, inaresto na at ibinilanggo ang limang lider-pesante na tinaguriang “Tagaytay 5” sa Cavite. Ganito rin ang estilo sa pagkawala at pagsampa ng kasong murder kay Pastor Berlin Guerrero ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP). Binanggit din ni Araullo ang nauna nang naganap na katulad na mga kaso sa Davao at Negros.

Ang pinagkaiba lamang ngayon ay ang “wholesale” na katangian ng pagsasampa ng mga aso.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang nasa likod ng atake sa Mindoro at Batangas, gayundin sa iba pang mga insidente, ang NPA (New People’s Army). Ibig sabihin, pinagbibintangan ng gobyerno ang mga militanteng sinampahan ng kaso bilang mga miyembro rin ng NPA.

Pero higit sa 30 mula sa kabuuang bilang ng mga akusado sa Mindoro ay lider ng makabayang mga organisasyon gaya nina Orly Marcellana ng Bayan, Helen Asdolo ng Gabriela at Pedro Santos Jr. ng Anakbayan.

Marami ring lider ng pangrehiyong mga organisasyon ng manggagawa at magsasaka ng Timog Katagalugan ang kasama sa listahan gaya nina Renato Alvarez ng Kamagsasa-Ka, Leng Jucutan ng Kongreso ng mga Magsasaka para sa Tunay na Repormang Agraryo (Kopra)-Quezon at Agaton Bautista ng Samahan ng mga Magbubukid sa Batangas (Sambat).

Matagal na silang nakikita ng publiko sa iba’t ibang aktibidad, pagtitipon at kilos-protesta.

Sa mga sinapahan ng kaso na ngayo’y tinatawag na Southern Tagalog 72 at 27, lima na ang nauna nang inaresto at ngayo’y nakabilanggo habang ang iba naman ay patuloy na tinutugis ng pulis at militar.

Ibang taktika ng panunupil

Sa pagsusuri ng Bayan, piniplit ng pamahalaang Arroyo na kamtin ang layunin nitong “niyutralisahin ang Makaliwa at Komunistang mga grupo” gamit ang ibang taktika. Pagkatapos mamalas ng pamahalaan ang kabi-kabila at mariing mga batikos dahil sa mga kaso ng pamamaslang at pagdukot sa mga aktibista, nangailangan itong mag-isip ng bagong paraan upang likidahin ang kanyang masusugid na mga kritiko sa hanay ng makabayang mga organisasyon.

Ayon sa tala ng Karapatan, isang alyansang nagtataguyod ng karapatang pantao, aabot na sa 901 ang biktima ng pamamaslang na maiuugnay sa mga operasyon ng militar at may ayuda ng pamahalaang Arroyo. Dahil sa mga ito, hindi lamang sa loob ng bansa umani ng kritiko ang pamahalaan kundi pati na rin sa pandaigdigang komunidad.

Sa ulat ni Propesor Philip Alston, United Nations Special Rapporteur on Extra-judicial, Summary or Arbitrary executions, sinasabing kailangang managot ang pamahalaan at militar sa paglabag sa mga karapatang pantao sa bansa.

Ang “maramihang pagsasampa ng mga kaso” at “pagkrikriminalisa” sa mga kasapi, lalung higit sa mga lider, ng mga makabayang mga organisasyon ay naglalayong paralisahin ang pagkilos ng mga ito, ayon sa Bayan. Ito ang taktika na ginagamit ngayon ng pamahalaan.

“Ang hindi nagawa ng gubyernong Arroyo sa pamamagitan ng pagpaslang sa mga aktibista ay gagawin nila sa pamamagitan ng taktikang ito,” sabi ng Karapatan.

Kasangkapan dito ng pamahalaan ang Inter-Agency Legal Action Group (Ialag) na pinamumunuan ni National Security Adviser Norberto Gonzales at ang Kalihim ng Department of Justice na si Raul Gonzalez. Binuo ang Ialag noon pang 2006 sa pamamagitan ng Executive Order 493. Ialag din ang responsable sa pagsampa ng kasong murder laban kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at iba pang progresibong mga mambabatas.

Layunin ng Ialag na gamitin ang batas upang tuluyang ipagkait sa makabayang mga organisasyon at progresibong mga party-list ang “demokratikong espasyo” na mayroon kahit papaano sa kasalukuyang sistema. Katanuyan, ayon sa tala ng Bayan, ang pagbanggit mismo ni Gonzalez sa isang pulong ng Inter-Parliamentary Union na nagtagal ng siyam na buwan bago nila nabuo ang kaso laban kay Rep. Satur Ocampo at sa iba pa.

Mga elemento ng DOJ, Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration and Deportation (BID) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang napapatakbo sa Ialag.

Gayundin, ayon kay Gonzales, ang “legal na opensiba”, na pangunahing gawain ng Ialag, ay ang “magbibigay-wakas” sa insurhensiya na isinusulong ng Komunistang kilusan sa Pilipinas na “kinakatuwang” ang legal at makabayang mga organisasyon.

Mga ‘tagumpay’ ng Ialag

Ayon pa rin sa Bayan, itinuturing ng Ialag ang opisyal na pagtataguri sa Communist Part of the Philippnes-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) bilang mga teroristang mga organisasyon ang pinakaunang nagtagumpay sa mga tinakdang layunin ng ahensiya.

Kasunod nito ang kontra-insuhirensiyang kampanya laban sa “prenteng mga organisasyon” nito.

Tagumpay din nilang tinuturing ang mga pagsasampa ng mga kaso sa mga representante ng progresibong mga party-list. Matatandaang naging saksi ang mga nakaraang taon sa pagharap ng mga ito sa kabi-kabilang kasong kriminal.

Noong Pebrero 2006, inaresto si Anakpawis Rep. Crispin Beltran dahil sa salang rebelyon. Parehong buwan ng sumunod na taon, sinampahan naman ng kasong multiple murder si Ocampo at inaresto matapos ang isang buwan. Samantala, Mayo ng nakaraan ding taon, kinasuhan naman si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ng obstruction of justice dahil umano sa pagpigil nito sa pag-aresto sa pinaghihinalaang kasapi ng NPA na si Vincent Borja.

Hinala rin ng progresibong mga party-list na ang Ialag ang nasa likod ng disqualification case laban sa kanila noong Enero 2007.

Sa isang banda, tagumpay ang pamahalaan sa tangka nitong paralisahin ang pagkilos ng mga lider ng makabayang mga organisasyon sa Timog Katagalugan.

Ngunit ayon kay Axel Pinpin, information officer ng Kamagsasaka-Ka, hindi permanente ang pagpaparalisang ito. Lalo lamang umanong paiigtingin nito ang galit ng mga mamamayan dahil sa kawalang-katwiran at dahas ng “larong pulitiko-militar” ng pamahalaan, ayon naman sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na may mga kasapi ring sinampahan ng kaso.

Noong Pebrero 2007, inirekomenda ni Alston sa gobyernong Arroyo na buwagin ang ialag. Mungkahi ng naturang eksperto ng UN na ituon ng sistemang hustisya ng bansa sa pag-resolba sa mga kaso ng pagpatay at pagdukot sa mga aktibista at pagpapanagot sa nasa likod ng mga ito.

Sa balangkas ng Oplan Bantay Laya 2

Ayon kay Noriel Rocafort, pangkalahatang kalihim ng Bayan-Batangas, ang pagsasampa ng mga kaso, gayundin ang sunud-sunod na pag-aresto, ay “hudyat ng panibagong bugso ng pampulitikang panunupil at panunugis sa mga militanteng organisasyon sa rehiyon.”

Matatandaang ang Timog Katagalugan ay isa sa mga sinalanta ng kasagsagan ng anti-komunistang kampanya ng pamahalaang Arroyo dahil sa sigla ng legal at makabayang kilusan dito. Mismong ang nag-retirong heneral na si Jovito Palparan, na kilalang “berdugo” ng pangulo, ay tinalaga sa rehiyon upang paigtingin ang nasabing kampanya.

Ang Timog Katagalugan ay nagsisilbi ngayong “laboratoryo ng panibagong bugso ng panunupil” na naayon sa internal security plan ng pamahalaan na Oplan Bantay Laya (OBL) 2, dagdag ni Rocafort.

Batay sa mga dokumentong nakalap ng Karapatan, natapos na noong 2006 ang OBL na unang pinanatupad noong 2002. Kabilang sa mga taktika nito ang pamamaslang at pagdukot sa aktibistang pinagbibintangang mga komunista. Dahil hindi nagtagumpay ang OBL sa layunin nitong “lipulin” ang CPP-NPA-NDF, simulan muli ito bilang OBL 2.

Sa pagkakataong ito, hindi umano muli patatakot ang mga militante.

Nakahanda raw sila, sa pangunguna ng Bayan, at ang mga samahan ng manggagawa at magsasaka sa Timog Katagalugan na magsagawa ng iba’t ibang kilos-protesta upang kondenahin ang pampulitikang panunupil sa kanilang kasapian.

Diin ni Araullo, “Walang makahihigit sa pagiging mapagbantay ng nagkakaisang hanay ng mamamayan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: