Ikulong ang pinakakriminal

Original URL

Pinoy Weekly

“IKULONG ang kriminal, di ang aktibista!” ayon sa plakard na bitbit sa mga demonstrasyon sa Kamaynilaan ng mga grupong progresibo mula sa Timog Katagalugan nitong nakaraang mga linggo. Isa-isa kasing pinagdadakip at itinatapon sa piitan ang kanilang mga kasamahan sa panahong hinihintay at sinasaksihan ng taumbayan ang paliwanag sa Senado ni dating Department of Agriculture undersecretary Jocelyn “Joc-Joc” Bolante hinggil sa P728-Milyong anomalya sa pataba.

Nagsimula noong Oktubre 23 kay Atty. Remigio Saladero, chief legal counsel ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at kolumnista ng Pinoy Weekly, ang pag-aresto sa mga aktibista sa rehiyon. Isinunod sina Nestor San Jose ng Anakpawis Party-list at Crispin Zapanta ng Bayan Muna Party-list noong Okt. 24, Rogelio Galit ng Katipunan ng mga Magsasaka sa Kabite noong Nobyembre 5, Arnaldo Seminiano ng Ilaw at Buklod ng Manggagawa-KMU noong Nob. 6, at Emmanuel Dionida ng Labor Education Advocacy Development Response Services noong Nob 13.

Anim ngayon ang nakakulong sa Calapan City Jail sa kasong multiple murder at multiple frustrated murder kaugnay umano ng pananambang ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Puerto Galera, Mindoro Oriental noong 2006. Isinampa ito laban sa 72 inbidibwal, mahigit 30 ay mga lider-aktibista sa Timog Katagalugan.

Hindi kapani-paniwala ang mga bintang na ito, ayon sa progresibong mga grupo. Paano paniniwalaang NPA si Saladero, isang 50-anyos na abogadong may hawak na 700 kaso ng manggagawa, dumadalo sa mga pagdinig sa korte, at may lingguhang kolum sa pahayagang ito? Paano paniniwalaang NPA si Galit na nakaratay sa sakit na diabetes noong inaresto, at si Dionida na hindi makalakad nang maayos dahil sa polio? Gayundin ang iba pang kinasuhan gaya nina Orly Marcellana ng Bayan, Helen Asdolo ng Gabriela, at Pedro Santos Jr. ng Anakbayan, na lagi’t laging nakikita sa mga aktibidad at kilos-protesta, kinapapanayam pa minsan ng midya?

Dahil ayon sa saksi na iniharap ng Philippine National Police noon ay 15 lamang ang bilang ng mga NPA na umatake sa nasabing ambus, at inamin mismo ng prosekyutor na walang preliminary investigation na isinagawa bago inilabas ang mga mandamyento-de-aresto, mas kapani-paniwalang ang kaso laban sa 72 ay panibagong hagupit ng pampulitikang panunupil kaysa isinampa para sa tunay na interes ng hustisya.

Samantala, sinasabi ng mga senador na hindi kapani-paniwala ang testimonya ni Bolante. Paano paniniwalaang hindi niya alam kung sino ang nagsuplay ng overpriced na pataba na di nakarating sa o di nagamit ng mga magsasaka dahil para sa mga halamang ornamental? Paano paniniwalaang nasa ilalim ang pondo ng isang regular na programa para sa iba’t ibang gamit pangsaka, gayong ayon sa Commission on Audit (COA), pinambili ng pataba ang halos lahat kahit P28-M lamang ang orihinal na inilaan ng DA para rito? Paano paniniwalaang ni hindi niya alam na kaalyado ni Pangulong Arroyo ang mga kongresistang nabigyan? Paano paniniwalaang walang kamay si Arroyo sa pag-awtorisa ng paglabas ng napakalaking pondo, isang-kapat (¼) ng badyet ng DA noon, sa panahon ng halalang pampangulo?

Dahil apat na taong tinakasan ni Bolante ang subpoena ng Senado na hindi normal na ginagawa ng isang taong walang alam at walang sala, at muli, binanggit ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo na maaaring pigilan ang iba pang mga opisyal ng DA na magsalita sa pamamagitan ng executive privilege, mas kapani-paniwalang may pandarambong na naganap at sangkot ang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Isa lamang ang pinaka-responsable sa pagdurusa sa masikip na selda ng anim na lider-aktibista at sa ligalig sa buhay ng marami pang iba na walang krimen maliban sa ipagtanggol ang interes ng mga api. Isa lamang ang pinaka-responsable sa pananahimik at pagsisinungaling sa publiko ni Bolante na ang krimen ay ang ipagtanggol ang interes ng mga nang-aapi.

Si Arroyo, na numero unong tagapaglabag sa mga karapatang pantao. Si Arroyo, na numero unong mandaraya at kurakot. Siya ang pinakakriminal sa lahat at wala pa lamang sa likod ng mga rehas dahil nananatili pa sa poder. (IDQ)

Dapat ikarangal, di ginigipit

Original URL

Pinoy Weekly

SA PANAHONG itong hindi na kagulat-gulat ang ilegal na panloloob at pagnakaw sa bahay ng ordinaryong mga sibilyang pinagbibintangang kaaway ng Estado, nagulat pa rin kami sa Pinoy Weekly sa ginawa ng mga operatiba ng PNP (Philippine National Police) kay Atty. Remigio Saladero Jr., kolumnista ng Pinoy Weekly at beteranong abogadong pangkarapatang pantao nitong Oktubre 23.

Ala-una ng hapon nang loobin ng pinaghihinalaang mga pulis (o militar kaya?) ang bahay ni Atty. Saladero sa Antipolo, Rizal. Hinalughog ang mga gamit, nawawala ang laptop at CPU ng kompiyuter niya. Hindi makontak ng mga kasamahan niya ang mga cellphone ni Atty. Saladero. Mag-a-alas-nuwebe na nang mabalitaan naming natagpuan na siya, nasa kamay nga ng PNP sa Kampo Vicente Lim sa Laguna. Kinabukasan, dinala siya sa Calapan, Mindoro Oriental para doon ipiit.

Ang kaso? Multiple murder at multiple frustrated murder na isinampa sa Regional Trial Court ng Calapan City. Ginawa raw niya ito dahil miyembro ng NPA (New People’s Army) si Atty. Saladero – isang akusasyong di namin malimi kung saan hinugot.

Maraming dahilan kung bakit napakalayo sa katotohanan. Unang una, sinisiguro ni Maricel Saladero, asawa niya, na hindi pa sila nakakatuntong ng Mindoro, at lalong hindi pa nakarating sa lugar sa panahong sinasabing pinamunuan ni Atty. Saladero ang panununog sa cellsite.

Pangalawa, hindi rebelde si Atty. Saladero. Alagad siya ng batas, kahit na sa maraming pagkakatao’y nagagalit siya tuwing ginagamit ng mga makapangyarihan at maimpluwensiya sa lipunan ang batas para sa sariling kapakanan.

Noong taong 2002 pa kolumnista ng Pinoy Weekly si Atty. Saladero, at linggu-linggo, walang patid niyang naisusumite sa pamamagitan ng fax at, nitong nakaraang dalawang taon, sa pamamagitan ng email, ang kanyang kolum na pinamagatang “Husgahan Natin.” Sa loob ng mahigit anim na taong pagiging kolumnista niya, mabibilang lang sa daliri ng isang kamay ang pagkakataong nahuli o lumiban sa pagsusumite si Atty. Saladero. Ganyang kapropesyunal siya. Paanong makakapagsumite siya ng kolum niya sa buong panahong ito kung abala siya sa pagiging rebelde sa kabundukan ng Mindoro o saanman?

Isa sa pinakapopular na bahagi ng pahayagan at website namin ang kolum ni Atty. Saladero. Sa hanay ng ordinaryong mga manggaggawa, nabalitaan naming masugid na inaabangan linggu-linggo ang kanyang mga kolum. Maraming unyon at organisasyon ng mga manggagawa ang nagpapaalam sa amin kung maaaring muling ilathala sa kanilang mga publikasyon ang kanyang mga sulatin. Nitong nakaraang mga buwan, dahil sa kahilingan ng mga manggagawa ay inihahanda na ang librong koleksiyon ng kanyang mga kolum. Ganyan kamahal at nirerespeto si Atty. Saladero.

Pero mas tanyag siya sa kanyang mga gawain sa labas ng Pinoy Weekly. Bukod sa pagiging punong konsultant pambatas ng Kilusang Mayo Uno, siya rin ang isa sa nangungunang mga abogado ng Pro-Labor Legal Assistance Center (Place) at National League of People’s Lawyers (NUPL). Noong panahon ng batas militar, miyembro si Atty. Saladero ng Free Legal Assistance Group (Flag), at isa sa mga tagadepenssa ng mga kliyenteng pinagkaitan ng kanilang mga karapatang pantao. Mapapatotoo ng mahihirap na mga kliyente niya na palaging pro-bono si Atty. Saladero.

Nitong taong 2006, naging tanyag si Atty. Saladero bilang isa sa lead lawyers na kumuwestiyon sa Presidential Decree No. 1017. Sa harap ng mismong Korte Suprema, dinurog niya ang bawat argumento ng gobyernong Arroyo para supilin ang karapatang pantao ng mga mamamayan kabilang ang karapatang malayang makapagpahayag at magtipon.

Sinumang nakakakakilala sa kanya ang makakapansin na walang ere si Atty. Saladero. Palibhasa’y sanay makisalamuha sa mga manggagawa, magsasaka at ordinaryong mga tao. Kung walang hearing, naka-t-shirt, maong, minsa’y nakatsinelas pa nga si Atty. Saladero. Hindi mo aakalaing minsan nang naging ika-16 siya sa mga kumuha ng bar exams. Hindi mo aakalaing maituturing isa siya sa pinakamahusay na eksperto sa batas sa karapatang pantao at paggawa sa bansa. Ikinararangal naming makasama siya sa Pinoy Weekly.

Hindi dapat ikinukulong ang mga tulad ni Atty. Saladero. Sa rekord ng gobyernong ito, tila pangkaraniwan na ang pagpipiit at paggamit ng brutal na mga pamamaraan para dukutin, takutin, minsa’y patayin ang mga nagsasalita laban dito. Bulok at bangkarote – at desperadong mangunyapit sa poder – ang isang rehimeng nagpapahirap at nagpipiit sa mga tulad niya. (KRG)

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.